Sabado, Disyembre 2, 2017

Panimula

"Ang tunay na kasiyahan ay nanggaling pa din sa puso at malinis na kalooban"
Sa blog na ito, masasaksihan natin ang mga iba't ibang mga pangyayari sa tunay na buhay ng limang mag-aaral na nasa Senior High School na sa isang Katolikong institusyon sa isang bayan sa Lalawigan ng Cavite. Tunghayan natin ang kanilang mga kwento sa pamamagitan ng pagbabasa sa blog na ito.

Blogging,
Pangkat Dalawa (St. John the Beloved)

Lahat ay May Magandang Rason

Kung ang bawat isa sa atin ay tatanungin kung ano nga ba ang tunay na kasiyahan, maaring may iba't-iba tayong sagot ngunit iisa pa din ang pinagmulan, at ito ay nagmula sa ating puso. Maaaring may panahon na tingin natin ay puro problema at kalungkutan, ngunit hindi pa din natin maaalis sa ating puso ang mga alaala ng ating kasiyahan.

Sa loob ng aking labing pitong taon dito sa mundo, iba't-ibang karanasan na ang aking napagdaanan, ngunit tila mga masasayang alaala ang nangingibabaw. Isa dito ay ang taog taon kong pagsali sa MTAP Math Challenge simula nung ako ay nasa unang baitang hanggang sa aking ika-sampung baitang. Hindi ko makakalimutan ang mga pangyayaring iyon sa aking buhay, dahil sa sampung taon ng aking buhay ay lagi akong napapasali doon at dahil sa gabay ng ating Poong Maykapal, taon taon din akong nakakakuha ng medalya sa paligsahang iyon. Kaya nang sumapit na ako sa ika labing isang baitang, nalungkot ako dahil wala ng gaanong paligsahan.

Sa kabila ng aking pagkalungkot, ay ang tunay na kasiyahan ang aking nadama sa paaralang aking pinasukan, na mas mapalapit sa Panginoon. Bukod sa pagiging Catholic school ng aming paaralan, naimbitahan din ako na sumali sa youthcamp ng "Youth For Christ" sa paaralang aking pinapasukan. Nang sumapit na ang youthcamp, iba ang aking pagkasaya o pagkatuwa, sa youthcamp na yub, mas naramdaman ko ang presensya ng ating Panginoon, at doon ko nalaman ang tunay na halaga ng ating buhay at ang tunay na kasiyahan.

Dahil sa mga nangyari sa aking buhay, kahit na wala ng gaanong paligsahan sa aking pinasukan, may mas magandang pangyayari naman ang aking nasaksihan.

Natutunan ko din na may rason ang Diyos sa lahat ng bagay na ating pinagdadaanan at mga problemang hinaharap.

Blogging,
Jomari Ubas

Kaarawan

Bawat isa sa atin ay my kanya kanyang depinisyon ng kasiyahan o pagsasaya. Mayroong nakakahanap ng kasiyahan sa mga simpleng sapatos o sa mga magagarbo mang mga sasakyan. Para sa akin, ano nga ba ang kasiyahan? Kailan ko nga ba nasabing ako ay masaya at nagsasaya?
Ako ay simpleng babae lamang, na katulad ng ibang babae na nasa edad ko, ay may mga tinatangkilik at hinahangan. Para sa akin, ang kasiyahan ay hindi ko makikita o mararamdaman sa mga materyal na bagay. Ang kasiyahan para sa akin ay ang mga pangyayari o ala-ala na hindi ko at ng lahat kailanman mabibili gamit ang mga salapi. Masasabi ko na ang pinaka masayang nangyari sa akin ngayong taon ay naganap noong ika-17 ng Agosto. Ang aking ika labing-walong kaarawan. Ipinagdiwang ko ito sa paraang alam ko ay magiging masaya talaga ako. Hindi ako pumasok sa paaralan nitong araw na ito upang pumunta at manood ng konsert ng aking paboritong foreign band. Sa konsert, anim na talentado at naggagalingang banda at soloists and mga nakisaya at nagpakita ng kani-kanilang talento. Umabot ng mahigit pitong oras ang konsert kaya naman naging sobrang sulit at saya nito. Nasabi kong naging sobrang saya ako ng panahong iyon dahil sa araw na iyon, sobrang naramdaman ko na espesyal ako dahil sa dami ng nakaalala ng aking kaarawan at naging malaya ako sa pag sigaw, pag talon, at pag kanta ng aking mga paboritong kanta. Pagkatapos ng nasabing konsert ay nakipagkita ako sa ilang mga kaibigan ko na nakilala ko dahil sa internet. Sa araw na ito, nakalimutan ko lahat ng bagay na bumabagabag sa akin at ang ginawa ko lang ay ang nagsaya.
Ang kasiyahang tunay ay hindi natin mahahanap sa mga materyal na bagay at kailanman ay hindi mabibili ng salapi. Ang tunay na kasiyahan ay nasa loob natin at ang kailangan lang natin ay ang mga taong makatutulong sa atin para mahanap ito.

Blogging,
Marietta Gale Ramel

Daan Patungong Tagumpay

Edukasyon ang kayamanang sandata ng bawat tao upang magtagumpay sa buhay. Ito ay mahalaga sapagkat ito ang nagiging daan upang ang isang tao ay  magkaroon ng kaalaman tungkol sa kanyang buhay, pagkatao at komunidad na ginagalawan. Bawat taong nabubuhay dito sa mundo ay may kani-kaniyang pangarap. Upang makamit ito ay kailangan munang magdaan sa proseso ng pag-aaral na may malaking papel na ginagampanan sa ating buhay. Dahil dito, lumuluha tayo nang hindi natin alam at ngumingiti tayo nang hindi natin namamalayan. Lahat ng bagay na inaakala nating imposible ay ating nagagawa dahil sa ating determinasyon, tiwala sa sarili, at pagsisikhay para lang maabot ang pinakamimithing pangarap.
Pagpasok ng taong ito, mas lalo kong pinagbutihan ang aking pag-aaral upang mas malinang ang aking kaalaman at patunayang unti – unti na pagtatagumpayan ko rin ang aking buhay.Isang bunga ng aking pagsisikap ay ang pagtanggap ko ng pagkilala bilang isa sa mga estudyanteng may karanglan o isa sa may matataas na marka sa aming klase. Malaking kasiyahan ito para sa akin at sa aking pamilya dahil ito ay sumisimbolo sa aking buong pusong pagpapahalaga sa oportunidad na makapag-aral at pagpapasalamat sa aking mga magulang para sa kanilang pagpupunyagi para sa aming magkakapatid.
Malapit ko nang harapin ang susunod na yugto ng aking buhay, ang pag-aral sa kolehiyo. Nais ko sanang makapag-aral sa unibersidad na aking pinpangarap, ang Unibersidad ng Santo Tomas. Wala pa mang kasiguraduhan sa pangtustos sa aking pag-aaral sa ngayon, ninais ko pa ring makakuha ng entrance exam dito. Dahil sa kabutihan ng Diyos, ako ay nagkararon din ng pagkakataong makakuha ng eksminasyon sa University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines. Ang oportunidad na ito ay lubos na nagbigay saya sa akin sapagkat sa pamamagitan nito ay unti unti ko nang tinatahak ang aking mga pangarap.
Sa murang edad ay kailangang pinaplano na ang kinabukasan. Kailangang alam na kung ano ang nais makamit upang di masayang ang oras. Lahat tayo ay nangangarap na magtagumpay. Kaya sa bawat oras at pagkakataon na ipinagkakaloob sa atin, dapat tayong maging positibo at determinadong tahakin ang daan patungo rito.
Ang kabataan ay nararapat lamang na magkaroon ng sapat na edukasyon sa pamamagitan ng kanilang karanasan at pormal na programa na nakukuha sa mga paaralan. Ito ang kanilang magiging armas upang maharap ang mga bagay na kaakibat ng kanilang magiging kinabukasan. At dahil sila ang ating pag-asa, nararapat lamang na ibigay natin sa kanila ang lahat ng edukasyon na kailangan nila upang maabot nila ang mga pangarap na nais nilang matupad.

Blogging,
Tenessee Perez

Unang Pag-ibig

Maraming pangyayari ang nangyari sa ating buhay. May mga malulungkot at masasayang pangyayari. Sa mga pangyayaring ito, may mga bagay at mga aral tayong natututunan.
Isa sa mga pinakamasayang bagay na nangyari sa buhay ko ay noong nakilala ko si God. Kung ordinary akong kabataan siguro ang ilalagay ko ay noong nakilala ko ang taong nagpasaya sa akin. Nagsimula kong maramdaman ang tunay na saya noong ipinakilala sa akin si God. Hindi sya pangkaraniwang tao na nagbibigay sayo ng saya, siya ay isang ekstra ordinaryong tao na magpaparamdam sayo ng lungkot at saya. Siya ang tao na laging nandyan lara suportahan ka, gabayan ka, ingatan ka, at iparamdam sayo ang tunay na kahulugan ng pagmamahal. Madaming pagkakataon sa buhay ko na nakaramdam ako ng pagkababa ng sarili dahil sa mga problema na nadating sa aking buhay. May mga pagkakataon na naisipan kong gawin ang mga maling bagay matakasan lang ang mga problemang ito. Hindi ko alam kung paano ko malulutasan at malalampasan ang mga problemang ito. Ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko ay nung nasira ang pamilya ko. Noon ko naramdaman na sobrang lungkot at iba sa pakiramdam ang hindi buo ang pamilya. Pinagsabay pa ang kung ano anong problema dulot sa eskwelahan, sa pansariling problema at iba pa. Sa kabila ng lahat ng nangyari sa akin, ang ating Diyos lang ang aking kinapitan. Sa mga problema ko lubusan kong nakilala si God. Sobrang saya ko dahil meron akong katulad nya. Tao na hindi ako iiwan at hindi ipaparamdam sa akin na ako ay may kulang. Pinakamasayang bagay na sa buhay ko ay nakilala ko siya.
Sa ating buhay, marami tayong problema na haharapin, hindi natin ito kailangan sarilinin dahil meron tayong Diyos na pwede nating pagsabihan ng mga ito sa pamamagitan ng ating mga panalangin. Sa mga ganitong sitwasyon, hindi dapat natin sya makalimutan, masaya man tayo o malungkot.

Blogging,
Kai Bautista

High School

Ang high school ang isa sa pinaka masayang parte ng buhay ng bawat mag aaral. Dito ay mararanasan natin ang iba't ibang bagay kung saan nariyan ang kasiyahan at maging ang kalungkutan. Punong puno ng tawanan at kung minsan ay mayroon ding iyakan. Ito rin ang yugto ng buhay ng estudyante kung saan marami tayong makikilalang mga kaibigan na kasamang bumuo ng mga ala-ala na tatatak sa ating buhay, at madadala hanggang sa pagtanda.
Sa loob ng maraming pangyayaring naganap sa buhay ko ngayong taon, mayroong isa na hindi ko makakalimutan, at isa sa pinakamasayang nangyari sa buhay ko lalo na bilang isang senior high. Noong Oktubre 27, 2017, ginanap ang programa sa aming paaralan at ito ay ang Senior's Night. Mahigit 200 na estudyante ang lumahok dito na ang kabilang ay ang mga Baitang 11 at Baitang 12, at kasama na din ang aming mga guro. Noong simula, akala ko ay hindi magiging makabuluhan ang gabing iyon. Akala ko ay magiging isang simpleng gabi lamang iyon para sa amin. Hanggang sa malapit nang magsimula, isa isa nang nagdatingan. Suot ang naggagandahang damit na mas nadala pa dahil sa magandang kolorete sa mukha. Ilang minuto pa lang, nagsimula na ang programa. Sinimulan muna ito sa isang mataimtim na panalangin, at hanggang sa nasundan na ng iba't ibang kasiyahan. Nariyan ang kantahan, sayawan, at maging mga kalokohan. Noong gabing iyon, napuno ng ngiti, kasiyahan, at tawanan ang buong paligid. Ang bawat isa ay galak na galak at bakas sa mga mukha ang tuwa. Pakiramdam ko ay malayo ako sa ilang karaniwang bagay na nararanasan namin bilang estudyante. Isinantabi muna namin ang mga gawain gaya ng mga proyekto at mga dapat ipasa. Nung mga oras na yon, pakiramdam ko malayo ako sa problema. Naranasan ko ang sandali na kasama ang aking mga kaklase, mga guro, mga kaibigan, at ilan pang mga estudyante, na wala munang ibang iniisip kundi ang magsaya. May nagtatalunan, naghihiyawan, umiindak sabay ng masasayang tugtugin, at halo halong kalokohan. Sa gabing iyon, sobra akong sumaya kahit na halos mapagod at medyo pinagpawisan. Sa bawat minutong natitira ay sinusulit na namin. Ginawa naming hindi makakalimutang parte ng taon ang araw na iyon. Hanggang sa malapit nang magtapos ang programa, at isa isa nang nagdadatingan ang mga sundo upang makauwi na. At dahil hindi makakauwi ang walang sundo, ang iba ay natira muna doon. Halos lahat ng umalis ay punong puno ng tuwa at nakaramdam ng sobrang kasiyahan kahit sa loob lamang ng ilang oras na pagdiriwang.
Doon, naramdaman ko ang tunay na kahulugan ng buhay estudyante, na kung saan hindi lang puro ballpen, notebook, at libro ang hawak. Na kung saan ay maaari din pala kaming magsaya kagaya ng nangyari noong gabing iyon. Ang programang iyon ay labis na nakatulong sa amin upang kami ay mas magkakilala pa at magkalapit pa ang loob ng bawat isa. Hindi ko iyon makakalimutan dahil dito ay naramdaman ko na kami ay isang pamilya. Isang pamilya na kahit magkakaiba man ng hilig, ng personalidad o pagkatao, ay iisa lang ang nakatatak, na kami ay mga Agustino na habang buhay naming papahalagahan at hindi kailanman malilimutan.

Blogging,
Sofia Alegre