Ang high school ang isa sa pinaka masayang parte ng buhay ng bawat mag aaral. Dito ay mararanasan natin ang iba't ibang bagay kung saan nariyan ang kasiyahan at maging ang kalungkutan. Punong puno ng tawanan at kung minsan ay mayroon ding iyakan. Ito rin ang yugto ng buhay ng estudyante kung saan marami tayong makikilalang mga kaibigan na kasamang bumuo ng mga ala-ala na tatatak sa ating buhay, at madadala hanggang sa pagtanda.
Sa loob ng maraming pangyayaring naganap sa buhay ko ngayong taon, mayroong isa na hindi ko makakalimutan, at isa sa pinakamasayang nangyari sa buhay ko lalo na bilang isang senior high. Noong Oktubre 27, 2017, ginanap ang programa sa aming paaralan at ito ay ang Senior's Night. Mahigit 200 na estudyante ang lumahok dito na ang kabilang ay ang mga Baitang 11 at Baitang 12, at kasama na din ang aming mga guro. Noong simula, akala ko ay hindi magiging makabuluhan ang gabing iyon. Akala ko ay magiging isang simpleng gabi lamang iyon para sa amin. Hanggang sa malapit nang magsimula, isa isa nang nagdatingan. Suot ang naggagandahang damit na mas nadala pa dahil sa magandang kolorete sa mukha. Ilang minuto pa lang, nagsimula na ang programa. Sinimulan muna ito sa isang mataimtim na panalangin, at hanggang sa nasundan na ng iba't ibang kasiyahan. Nariyan ang kantahan, sayawan, at maging mga kalokohan. Noong gabing iyon, napuno ng ngiti, kasiyahan, at tawanan ang buong paligid. Ang bawat isa ay galak na galak at bakas sa mga mukha ang tuwa. Pakiramdam ko ay malayo ako sa ilang karaniwang bagay na nararanasan namin bilang estudyante. Isinantabi muna namin ang mga gawain gaya ng mga proyekto at mga dapat ipasa. Nung mga oras na yon, pakiramdam ko malayo ako sa problema. Naranasan ko ang sandali na kasama ang aking mga kaklase, mga guro, mga kaibigan, at ilan pang mga estudyante, na wala munang ibang iniisip kundi ang magsaya. May nagtatalunan, naghihiyawan, umiindak sabay ng masasayang tugtugin, at halo halong kalokohan. Sa gabing iyon, sobra akong sumaya kahit na halos mapagod at medyo pinagpawisan. Sa bawat minutong natitira ay sinusulit na namin. Ginawa naming hindi makakalimutang parte ng taon ang araw na iyon. Hanggang sa malapit nang magtapos ang programa, at isa isa nang nagdadatingan ang mga sundo upang makauwi na. At dahil hindi makakauwi ang walang sundo, ang iba ay natira muna doon. Halos lahat ng umalis ay punong puno ng tuwa at nakaramdam ng sobrang kasiyahan kahit sa loob lamang ng ilang oras na pagdiriwang.
Doon, naramdaman ko ang tunay na kahulugan ng buhay estudyante, na kung saan hindi lang puro ballpen, notebook, at libro ang hawak. Na kung saan ay maaari din pala kaming magsaya kagaya ng nangyari noong gabing iyon. Ang programang iyon ay labis na nakatulong sa amin upang kami ay mas magkakilala pa at magkalapit pa ang loob ng bawat isa. Hindi ko iyon makakalimutan dahil dito ay naramdaman ko na kami ay isang pamilya. Isang pamilya na kahit magkakaiba man ng hilig, ng personalidad o pagkatao, ay iisa lang ang nakatatak, na kami ay mga Agustino na habang buhay naming papahalagahan at hindi kailanman malilimutan.
Blogging,
Sofia Alegre
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento